Opening Statement of Senator De Lima on the Resumption of the Senate Inquiry on Extrajudicial Killings
Magandang umaga po sa lahat.
Nakalipas po ang tatlong linggo mula nang simulan natin ang imbestigasyon sa mga karumal-dumal na patayan sa bansa. Sa tatlong linggo na iyon, lalong lumala ang patayan. Tila ba may hinahabol na quota ng kailangan patayin ang mga salarin.
Sa pagdinig natin noong August 22, ayon sa ibinahaging datos ni PNP Director General Ronald Dela Rosa, ang bilang ng napatay sa operasyon ng pulis mula July 1 ay: 712 katao. Habang ang nasa ilalim pa ng imbestigasyon o di-tukoy ang salarin ay nasa 1,067. Sa kabuuan, katumbas po iyon ng 1,779 na napaslang mula nang maupo ang kasalukuyang administrasyon, o 35 na tao na patay kada araw.
Ngayon po, sa muli nating pagdinig sa mga kasong ito, pumalo na ito sa 3,526 na tao; halos doble po yan ng naulat wala pang isang buwan ang nakaraan. Katumbas na ito ng 47 tao na patay kada araw. Sa naiulat na 3,526 na napaslang, 2,035 dito ang hindi tukoy ang salarin. Mahigit 58% nang nangyayaring patayan ay maiuugnay sa sinasabing vigilante killings.
Sa likod po ng pag-akyat ng mga numero, nadagdagan ang mga biktima ng dahas at pinagkaitan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili ayon sa batas. Dumami ang nawalan ng magulang, napaslang na asawa, naulilang anak, napatay na kapatid, at nadamay na inosente, kabilang na ang apat na taon at limang taong gulang na batang babae mula sa Negros Oriental at Pangasinan. Higit sa lahat, nadagdagan ang pamilyang nagdurusa, nawalan ng pag-asa, at naghihinagpis para sa hustisya.
Ito po ba ang pinangangalandakan o ipinagmamalaki nilang ligtas na lipunan? Ligtas bang maituturing kung 47 na tao ang napapatay kada araw, at mahigit kalahati nito ang hindi tukoy kung sino ang salarin? Masasabi ba talagang ligtas ang lipunan kung takot at karahasan ang nangingibabaw, at baka isang araw, pamilya mo na at marami pang inosente ang madamay?
After the tragic Davao City bombing, the President has declared a national emergency on account of lawless violence or a state of lawlessness. Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo said that even before the September 2 Davao bombing, they were already drafting a proclamation placing the entire country under a state of lawlessness — and part of the reason for this proclamation is the spate of drug-related killings. This contradicts the assertion that we feel more secure nowadays and that we can all walk safely in our streets. Is there a state of lawlessness, or is there a state of safety on our streets? It cannot be both.
As I have said at the first part of this inquiry, we will present witnesses from eight (8) cases with eleven (11) victims of alleged summary killings. This is just a small part of over three thousand and four hundred cases of killings under police operations and with unknown assailants. We have presented two (2) witnesses from our last hearings, and we will present more witnesses today and in the following hearings.
Bukod nga po dito, marami pa ang nagpadala sa amin ng feelers at humihingi ng tulong na maihayag din ang kanilang mga kuwento. Ipinaabot nila ang pagnanais na mabigyan ng katarungan at paglilinaw ang pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.
Nakipag-usap at patuloy po ang pakikipag-usap sa kanila. Gaya ng mga nakasama nating testigo, kailangan muna itong dumaan sa proseso ng validation, at siguruhing handa silang tumayo bilang mga saksi. Hindi po kasi maiiwasan na ang ilan sa kanila ay natatakot para sa kanilang buhay, at nangangamba na sila ay mapag-initan dahil sa kanilang mga testimonya.
Ngunit ang pinakaimportante po ngayong araw ng ating pagdinig ay ang ating susunod na witness na magbibigay konteksto at kahulugan sa mga pagpatay na nangyayari sa ating paligid. Marahil ay masasagot niya ang tanong kung bakit nagsabay ang pagtaas ng insidente ng patayan sa mga engkwentro ng mga pulis sa mga tinatawag na death under investigation, mga pinatay ng riding-in-tandem, or mga sinalvage at itinapon sa mga sentro ng ating mga siyudad dito sa Luzon at pati na sa Visayas.
Mula noong nag-umpisa ang ating pagdinig, lalo pa silang dumami. Tila ba hinahamon ang ating mga kababayan at pinipilit tayo na tanggapin na ito na ang bagong normal sa ating mga siyudad sa Kalakhang Maynila, sa Baguio City, sa Angeles City, sa Metro Cebu, at sa iba pang malalaking siyudad sa Luzon at Visayas. Marahil ay maii-ugnay niya ang kababalaghang ito sa nangyari sa Davao City mula noong dekada nobenta (1990) hanggang sa kasalukuyan, at kung paano ang buong Pilipinas ngayon ay larawan ng siyudad ng Davao sa mahigit dalawang dekadang pamumuno ni Mayor Duterte.
Kung ito ang tanging pamamaraan ng katahimikan, marapat na itanong din natin sa ating mga sarili, katahimikan nga ba ang araw-araw na patayan, at kaguluhan ba ang turing natin sa kakulangan ng patayan noong nakaraang administrasyon? Ang ibig ba nating sabihin ay mas tahimik kung mas maraming mga pinapatay? Ang katahimikan ba na ating hinahangad ay katahimikan ng mga sementeryo at libingan?
Nagpapasalamat po tayong muli sa mga pamilya at kamag-anak ng mga biktima na nagtungo dito para ibahagi ang kanilang kuwento. Sa kabila po ng mga pinagdadaanan ninyo ngayon, ng magkahalong mga emosyon ng takot, poot, lungkot at hinagpis, pinili po ninyong humarap at makiisa sa amin dito sa Senado. Maraming salamat din po sa ating mga resource person na nagbahagi at magbabahagi ng kanilang mga saloobin ukol sa isyung ating tinatalakay.
Muli din po nating inaanyayahan ang publiko na pakinggan at subaybayan ang mga pagdinig na ito ng Senado. Muli po ninyo kami sanang samahan sa pag-iimbestiga sa kababalaghan na ito na kasalukuyang bumabalot sa ating lipunan.
Maraming salamat po.
●