De Lima’s Open Letter to Duterte
This is a reproduction of Senator Leila De Lima’s open letter to the President from her Facebook page.
BUKAS NA LIHAM KAY PANGULONG RODRIGO DUTERTE
UKOL SA PAGDINIG NG SENADO SA MGA KASO NG EXTRAJUDICIAL KILLINGS
Mahal na Pangulong Duterte,
Sana ay masubaybayan po ninyo ang mga gagawing pagdinig ng Senado ukol sa mga patayang nagaganap. Nais po nating malaman ang katotohanan sa likod ng mga ito. May mga indikasyon o teorya po na nagsasabing hindi lahat ng nangyayaring pagpatay ay talagang kaugnay, kundi kasabay lamang, ng kampanya laban sa droga. May mga pagpatay na isinasabay o isinasakay lamang ng mga tiwaling kawani ng pamahalaan at mga kasabwat nila upang pagtakpan ang kanilang karumaldumal na partisipasyon sa kalakalan ng droga. Hindi nila isinusulong, kundi inililihis pa nga ang direksyon ng paglaban sa droga at sinasabotahe ang magagandang layunin ng kampanya.
Ito pong pagtiyak sa katotohanan ay kagaya rin ng pag-alam ninyo sa mga indibidwal at grupong nagpapatakbo ng negosyo ng droga, at sa pagtukoy sa mga ugat at saklaw nito sa loob at labas ng ating bansa. Sa paglalahad ng katotohanan, pakay po natin ang tunay na tagumpay ng kampanya laban sa droga at kriminalidad sa pagpapanukala ng mga nararapat na batas at alituntunin upang tulungan ang ating mga alagad ng batas sa tamang pagtupad ng tungkulin. Higit sa lahat, hangad po natin gaya rin ng hangad ninyo, Pangulong Duterte, na palakasin pa ang sistema ng ating mga batas para matiyak ang pag-iral ng batas at paggalang sa karapatang pantao sa lahat ng pagkakataon.
Sumasainyo,
(Sgd.) Leila M. de Lima Senador